Emergency sa Mayon, maaring tumagal hanggang 3 buwan – NDRRMC

Kuha ni Jomar Piquero

Pinaghahandaan na ng mga otoridad ang posibilidad ng tatlong buwang emergency sa mga lugar sa paligid ng Bulkang Mayon dahil sa patuloy nitong pagbubuga ng makakapal na usok, abo at lava.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) spokesperson Romina Marasigan, nananatili silang naka-red alert status lalo na’t nananatiling nasa alert level 4 ang Mayon.

Posible aniyang tumagal ng tatlong buwan ang emergency situation sa paligid ng bulkan, na nangangahulugang mananatili sa evacuation centers nang ganoon katagal ang mga residente.

Sa ngayon ay umabot na sa mahigit 81,000 ang mga inilikas na residente, dahilan para magsimula nang maging overcrowded ang mga evacuation centers at temporary shelters.

Upang masolusyunan ito, nagpatupad na ang Albay Public Safety and Emergency Management Office (ASPEMO) ng inter-municipality evacuation upang mabawasan na ang mga umaapaw nang evacuation centers sa mga apektadong lugar.

Isa naman sa mga inaalala ng NDRRMC ang posibleng pagkakaroon ng respiratory ilness ng mga residente dahil sa mga ibinubugang usok at abo ng Mayon.

Dahil dito, inanunsyo ni Health Sec. Francisco Duque III na mayroon nang mga fast lanes sa mga department hospitals partikular sa Bicol Regional Training and Teachinc Hospital at Bicol Medical Center upang mapagsilbihan agad ang mga inilikas dahil sa pagputok ng Mayon.

Read more...