Pangulong Duterte, nakabalik na sa bansa mula India
Nakabalik na sa Davao City si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kaniyang pagdalo sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Indian Summit sa New Delhi, India.
Dakong alas-12:00 ng hatinggabi lumapag ang eroplanong sinasakyan ng pangulo sa Davao City.
Matapos ibigay ang kaniyang ulat tungkol sa mga nangyari sa ASEAN-Indian Summit at sa mga naging resulta ng pag-uusap sa pagitan ng mga opisyal ng Pilipinas at India, nagpaunlak ng panayam ang pangulo sa mga media.
Binanggit ni Pangulong Duterte na tuloy ang pagbisita niya sa mga naapektuhan ng pag-aalburuto ng Bulkang Mayon, pero baka magpahinga muna siya nang isa hanggang dalawang araw bago tumungo doon.
Nakaranas kasi aniya siya ng migraine pagkatapos ng kaniyang biyahe sa India.
Samantala, minaliit naman ni Pangulong Duterte ang mga banta sa kaniya ng Islamic State militants.
Giit ni Duterte, kung panahon na niya, panahon na niya.
Nanawagan naman ang pangulo sa mga bansang tumatanggap ng overseas Filipino workers (OFWs) na tanggapin ang mga Pinoy at huwag naman alisin ang dignidad ng mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.