Natukoy na ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang sanhi ng usok na sumiklab sa bahagi ng tren nito.
Ayon sa MRT-3, nasira ang regulator board nito na siyang kumokontrol sa daloy ng kuryente ng tren.
Umusok ito dakong 1:36 ng hapon kaya napilitan ang mga pasahero na buksan ang mga pinto ng tren at lumabas.
Naiulat sa pamunuan ang insidente sa parehong oras matapos makita ng driver ng tren sa kanyang diagnostic panel ang communication error, electrical failure at door failure.
Makaraang ipagbigay-alam ng driver ang insidente sa MRT-3 control center, itinigil niya ang tren sa pagitan ng mga stasyon ng GMA-Kamuning at Araneta Center-Cubao para inspeksyunin ito.
Dakong 1:38 ng hapon, dito na namataan ng driver ang usok sa upuan ng gitnang bagon. Sinubukan ng driver na apulahin ito gamit ang fire extinguisher.
Rumesponde naman ang mga bumbero dakong 2:00 ng hapon.
Dahil sa insidente, nilimitahan ng MRT-3 ang byahe nito pero naibalik din sa normal ang operasyon dakong alas-3:00 ng hapon.
Ayon kay MRT-3 operations director Mike Capati, naapektuhan ang 500 hanggang 600 na pasahero ng nagka-aberyang tren.
Tiniyak naman ni Capati na ligtas ang mga tren.