2 magsasaka patay, 1 sugatan sa naapakang pampasabog sa palayan sa Maguindanao

Patay ang dalawang magsasaka habang sugatan ang isa pa matapos sumabog ang isang explosive sa gitna ng palayan sa Datu Piang, Maguindanao kahapon.

Nakilala ang mga nasawi na sina Abusama Guiamin at Abdullah Mamatanto. Nagpapagaling naman sa ospital ang sugatang si Katib Mamatanto.

Ayon kay Katib, binbantayan nila ang kanilang mga pananim mula sa mga baboy-ramo nang aksidenteng maapakan ng isa sa kanilang ang pampasabog.

Naganap ang insidente sa barangay kung saan naganap ang engkwentro kamakailan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front laban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.

Ayon sa militar, posibleng itinanim ng BIFF laban sa mga sundalong humahabol sa kanila.

Sinabi ni Lt. Col. Gerry Besana na tinutulungan na ng militar at bomb experts ang pulisya para tukuyin ang mga pampasabog.

Pinabulaanan naman ni Abu Misri Mama, tagapagsalita ng BIFF ang akusasyon ng militar. Isinisi niya naman sa militar ang pagtatanim nito.

Read more...