Dinagsa ng mga deboto ang huling ritwal ng Sto. Niño festival Biyernes ng madaling araw sa Cebu City.
Ang tradisyunal na “hubo” o pag-huhubad ng damit sa imahen ng Sto. Niño ay ginawa sa Basilica Minore Del Sto. Niño.
Simbulo ito ng pagtatapos ng Sinulog Festival na dinarayo hindi lamang ng mga lokal na turista kundi maging ng mga dayuhan.
Bago ang seremonya, nagdaos ng misa sa simbahan na pinangunahan ng basilica rector na si Father Pacifico Nojara.
Sa kanyang homily, nanawagan sa mga deboto si Father Nojara na maging tapat sa kanilang pananampalataya sa poon sa kabila aniya ng pagtatapos ng taunang okasyon.
Ang “hubo” ay ginagawa kung saan nauunang alisin ang korona ng imahen, maging ang kanyang septer, kapa at boots.
Matapos nito, ilulubog sa tubig ang poon at huhugasan at susuotan ng bagong damit.
Susundan ito ng Sinulog dance bilang hudyat ng opisyal na pagtatapos ng Sto. Niño festival.