Tugon ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa ulat na lumabas sa “The Print” sa New Delhi, India na nagpatupad ng maigting na seguridad ang mga otoridad sa nasabing bansa dahil may nakuha silang intelligence report na si Duterte ay nasa radar ng ISIS.
Sinabi ni Roque na ang mga ganitong pananakot ay hindi makapagbabago sa pasya ng pangulo na wakasan ang terorismo sa Pilipinas.
Tiniyak naman ni Roque na ginagawa ng Presidential Security Group (PSG) at Indian authorities ang lahat ng security measures para masiguro ang kaligtasan ng pangulo.
“All precautions though are being taken by the PSG [Presidential Security Group] and Indian authorities. Security arrangements by both PSG and Indian police are in place. We will all be there for and with him,” ayon kay Roque.
Sa ulat ng “The Print” nakasaad na ang mga otoridad ay may nakuhang intelligence report na nasa radar ng Islamic State si Duterte dahilan para mas paigtingin ang seguridad sa Republic Day celebration na dadaluhan ng 10 ASEAN leaders kasama na si Duterte.
Nakasaad sa ulat na ang pagkilos ng administrasyong Duterte laban sa Islamist extremism sa Mindanao, at ang pagkakapatay kay Isnilon Hapilin ang dahilan kaya may binuong grupo ang ISIS para magplano ng pag-atake.