Tatlong magkakasunod na aksidente, naitala sa Quezon City

By Justinne Punsalang January 26, 2018 - 07:58 AM

Kuha ni Justinne Punsalang

Wasak ang harapang bahagi ng isang dump truck matapos itong banggain ng isa pang dump truck sa Payatas Road sa lungsod Quezon.

Ayon sa driver na si Robert Schwartz, hindi niya napansin ang nakaparadang truck habang binabaybay niya ang kahabaan ng Payatas Road.

Aniya, napalingat siya sandali para uminom ng tubig at pagbalik ng kanyang mata sa kalsada ay malapit na siya sa truck.

Kaya naman hindi na niya naipihit pa ang minamanehong dump truck, dahilan para bumangga ito.

Samantala, sa Mindanao Avenue naman ay nabangga ng isa na namang dump truck ang isang blue na Honda Jazz.

Sa lakas ng pagbangga ay naitulak pa ang nawalan ng kontrol na sasakyan hanggang sa ito ay bumangga sa center island.

Maswerte namang hindi nasugatan ang driver na si Kevin Gonzales. Ngunit agad namang tumakas ang dump truck na bumangga sa naturang sasakyan.

Sa Mindanao Avenue pa rin, naaksidente naman si Mark Anthony Omena na isang motorcycle rider.

Bumangga ang motor ni Omena sa center island matapos nitong mawalan ng kontrol dito dahil sa kalasingan.

Bagaman may helmet ay marami pa ring natamong pinsala ang biktima kagaya ng pagkawala ng malay, pagsusuka ng dugo, pagkadislocate ng kanang braso, at iba pang mga galos sa katawan.

 

 

 

 

 

TAGS: accident, metro news, Radyo Inquirer, accident, metro news, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.