Napeñas kay Aquino: Pinagmukha niya kaming ‘incompetent’

Sa muli niyang pakikihalubilo sa mga tauhan ng Special Action Force (SAF) unit ng Philippine National Police (PNP) sa anibersaryo ng Mamasapano encounter noong 2015, binanatan ni dating SAF chief Getulio Napeñas si dating Pangulong Benigno Aquino III.

Ayon kasi kay Napeñas, pinalabas ni Aquino na “incompetent” siya at ang iba pa niyang mga kasamahan na namuno sa Oplan Exodus na ikinasawi ng 44 na SAF commandos.

“Pinalabas nila, ‘yung buong (Aquino) administration na ako ay incompetent, ‘yung mga kasama ko incompetent, binola ko raw na para daw akong tanga,” ani Napeñas.

Kwento pa ni Napeñas, hindi siya kinukumbida ng nagdaang administrasyon sa mga naunang events na may kaugnayan sa SAF 44.

Ngunit ngayon aniyang bago na ang administrasyon at si dating SAF deputy chief Noli Taliño na ang namumuno sa naturang elite unit ng PNP, ay nakasama na siya sa paggunita ng ikatlong anibersaryo ng madugong engkwentrong naganap sa Mamasapano, Maguindanao noong 2015.

Si Taliño ang deputy chief ng SAF nang isagawa ang Oplan Exodus, at isa in sa mga kinasuhan sa Office of the Ombudsman kaugnay ng nabulilyasong operasyon.

Naniniwala si Napeñas na ang pagkakatalaga ngayon ni Taliño bilang bagong SAF director ay isang “vindication” para sa mga opisyal na nakasuhan dahil sa Oplan Exodus.

Matatandaang nabasura ang mga kasong isinampa laban sa mga opisyal ng pulis na sangkot sa Oplan Exodus maliban na lamang kay Napeñas.

Read more...