Vice Mayor Isko Moreno, nagbitiw bilang traffic czar ng Maynila
Nagbitiw na bilang traffic czar ng lungsod ng Maynila si Vice Mayor Isko Moreno epektibo ngayong umaga.
Sa ipinatawag na pulong balitaan, sinabi ni Moreno na ang hakbang ay para mabigyan ng daan si Mayor Joseph Estrada na makapili ng mamamahala ng trapiko na isa sa matinding problema sa lungsod.
Layunin din umano ng pagbibitiw na hindi mabahiran ng pulitika ang mga ipinatutupad na panuntunan at mahigpit na regulasyon na may kinalaman sa traffic.
Kaugnay nito, nagpapasalamat si Moreno sa pagtitiwala na ipinagkaloob sa kanya ni Estrada sa mga proyekto ng lungsod na hinawakan nya.
Tikom pa naman ang bibig ng bise alkalde sa mga plano sa susunod na halalan at iginiit na kinakailangan muna konsultahin ang kanyang pamilya kung saka sakaling tatakbo sa mas mataas na posisyon.
Sinabi pa ni Moreno na kailangan niyang konsultahin ang mga residente ng Maynila sa mga susunod niyang hakbang.
Si Moreno ay nasa pang labing-apat na pwesto sa sa pinakahuling SWS Survey para sa 2016 Senatorial elections.
samantala, kumpiyansa rin si Moreno na hindi manunumbalik ang paghahari-harian ng mga pasaway na mga driver sa Maynila sa kanyang pagbibitiw bilang Traffic Czar simula ngayong araw.
Ayon kay Moreno, umaasa sya na maipagpapatuloy ng papalit sa kanya bilang Traffic Czar ang mga nasimulan na mga programa naglalayong paluwagin ang daloy ng trapiko sa buong Lungsod ng Maynila at ipatupad ang mga batas trapiko.
Minabuti ni Moreno na magbitiw sa pwesto upang hindi umano mabahiran ng pulitika ang lahat ng kanyang mga ginagawa sa ngayon lalo na at ikinokunsidera ng ilang grupo ang posibilidad na tumakbo siya sa mas mataas na posisyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.