Grand Mosque sa Marawi City sentro ng relihiyong Islam sa Islamic City

By Erwin Aguilon January 25, 2018 - 06:41 PM

Contributed photo

Matagal nang natapos ang limang buwang giyera sa Marawi City at ngayon ang pinag-uukulan ng pansin ng pamahalaan ay ang rehabilitasyon ng mga nawasak ng digmaan.

Limang buwang giyera na kumitil sa buhay hindi lamang ng mga miyembro ng Maute Terror Group, sundalo, pulis kundi maging ng mga sibilyan.

Ayon sa Task Force Bangon Marawi, isa sa kanilang uunahin sa rehabilitasyon ay ang Grand Mosque na matatagpuan sa Datu Disalongan Pangarungan St, Pangarungan Village sa main battle area.

Ang pagsasa-ayos ng Grand Mosque ng Marawi City para sa mga awtoridad ay hindi lamang simbolo ng relihiyong Islam kundi ito rin ay magsisilbing tanglaw para sa pagbangon ng nag-iisang Islamic City sa bansa.

Ang nasabing Grand Mosque ay pinangangasiwaan ng Jameo Mindanao Al – Islamie, Islamic Center of Marawi sa pangunguna ni Hadji Abdul Pangarungan bilang pangulo.

Nakatayo ito sa 2,500 square meters na lupain na ipinagkaloob ni Datu Disalongan Pangarungan na ama ng kasalukuyang presidente at chairman ng Board of Directors na si Hadji Abdul Pangarungan para sa pananampalatayang Islam.

Ayon kay Hadji Pangarungan, bago ang digmaan palaging punong-puno ng tao ang Grand Mosque.

Photo by: Erwin Aguilon

Taong 1950 pa naitayo ang Grand Mosque na may tatlong palapag na nasa pusod ng Marawi City.

Kaya nitong mag accomodate ng limang libong mananampatalaya.

MASJID

Bukod sa bahay-sambahan ay mayroon ding madrasa dito o paaralan para sa relihiyong Islam na matatagpuan sa ground floor ng gusali na may 15 silid-aralan.

Itinayo ang Grand Mosque upang maging sentro ng pananampalaya at pag-aaral ukol sa relihiyong Islam. Pinalakas ng Jameo Mindanao Al – Islamie, Islamic Center of Marawi ang pagtuturo ng Islamic Education sa mga kabataan lalo na ang mga mahihirap na hindi kayang tustusan ng mga magulang ang pag-aaral.

Mayroon ding library sa Grand Mosque na nagsisilbing data bank ng mga Islamic Literature at mga iba pang impormasyon ukol sa Islam.

GRAND MOSQUE RESTORATION

Bago ang limang buwang giyera noong Mayo 2017 may plano ang mga administrator na magsagawa muli ng repair sa ilang dekada ng sentro ng relihiyong Islam sa Marawi City.

Pero dahil sa giyera na pinamunuan ng Maute terror group hindi ito natuloy at nag-iba na ang plano ng mga administrator.

Kamakailan lumiham ang mga administrator sa pamamagitan ng pangulo ng JMAIICM na si Hadji Abdul Pangarungan na makasama ang kanilang mga engineers upang magsagawa ng inspection sa Grand Mosque.

Mayroon na rin anyang plano ang mga administrator ng mosque para sa bagong mukha ng Grand Mosque kung saan nais nila na wasakin na ang mosque bago ito itayong muli.

Nauna rito, nagpledge ng suporta ang Pangarungan clan para sa muling pagtatayo ng mosque na nawasak din ng digmaan.

Bukod dito, nagpahayag din ng suporta ang ilang mga Arab countries upang tumulong sa pagpapatayo ng bagong Grand Mosque.

Iginiit ng mga namamahala sa mosque na kailangang unahin ang pagpapatayo nito bilang nag-iisa ang Marawi City na Islamic City sa bansa.

Sa Marso ng kasalukuyang taon inaasahan ng Task Force Bangon Marawi na masimulan ang rehabilitasyon sa Marawi City.

Sinabi ni Asec. Felix Castro ng Task Force Bangon Marawi, hinihintay pa rin kasi nila ang master plan na magmula sa Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC.

Contributed photo

TAGS: Grand Mosque, islamic city, Marawi City, Grand Mosque, islamic city, Marawi City

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.