#ALDUB PHENOMENON: SINA GUY AT PIP NOON, SINA ALDEN AT MAINE NGAYON ni Arlyn Dela Cruz
Magpapauna na ako. Hindi ito isang analysis, hindi ito isang pagsusuri ng #ALDUB phenomenon. Lalong hindi ito malalim at oo, ito’y kababawan, Isang masayang kababawan.
Kababawan ng hindi lang iisa, kundi ng napakarami.
Kung papansinin, ang atraksiyon sa #AlDub ay walang idad na pinagpipilian. Hindi mo masasabing pangkabataan lang o pang-nakatatanda lang. Wala ring social divide. Hindi lang po pang-mahirap o bakya crowd na tinatawag ang appeal ng #AlDub. Buong pamilya. May trabaho o wala. Nasa isang high end na opisina o di kaya ay nasa isang barong-barong na bahay sa kalunsuran o sa kanayunan man?
Kung tutuusin, nakita na natin ang ganitong uri ng pagtangkilik ng Filipino fans. Ibang porma nga lang noon at walang masasabing sayantipikong paraan para masukat o magkaroon ng ideya kaya ng bilang ng mga tumatangkilik sa mga pampublikong personalidad, mga celebrity ika nga. Walang social media na susukat ng kasikatan at lawak ng pagtangkilik ng mga tagahanga.
Phenomenal din ang naging taguri ng kasikatan nila noon.
Minsan sa kasaysayan ng Philippine entertainment industry, bigla sa kung saan ay nakilala ng publiko ang isang Nora Aunor na nagsimula bilang isang mang-aawit, morena, hindi katangkaran, malayong-malayo sa mestiza at may mga katangkarang mga artista noong araw, ngunit, tinanggap, minadal. Lalo siyang niyakap at inibig ng Filipino fans nang kalaunan ay itinambal siya kay Tirso Cruz III.
Hindi ba napakahirap ding ipaliwanag noon na ang Guy at Pip tandem, may “anak” na manyika na ang pangalan at “Maria Leonora Theresa?” May bababaw pa ba dun? May mas bakya pa ba dun?
Fast forward. Sharon Cuneta at Gabby Concepcion. Sa sukatan noon, sosyal na sosyal, parang di uubra sa masa ngunit niyakap at minahal din ng Filipino fans. Sino ang makakalimot sa kasalang Sharon at Gabby na isa lamang sa visual proofs noon kung paanong ang tambalang ito, minsan ay naging phenomenal din sa kasaysayan ng Philippine entertainment?
Nag-iba lang ang sukatan. Nag-iba lang ang mga mukha ng tinatangkilik na tambalan. Tangkilik ang salitang ginagamit ko, hindi iniidolo sapagkat naniniwala akong alam ng lahat ng #Aldub fans at buong giting kong ipinagmamalaki na kasama ako sa kababawang iyan, na ang lahat ay para sa kasiyahan lamang. May plot, may flow, may script, ngunit ang kaibahan ay ang kung paano nila ito ginagampanan. Hindi maikubli ang sinseridad. Hindi maikubli yung parang totohanan na. Kung magkatotoo man ang love team sa tunay na buhay ay ano naman ang masama? Eh di lalong masaya!
Yun ang gusto ko lang sabihin. Hindi mo masusukat ang kaligayahan. Hindi ito mababaw. Hindi ito malalim at magkakaiba rin ito sa bawat tao. Kung nagkataong milyun-milyon ang nabibigyan ng kaligayahan ng #AlDub, walang mawawala sa mga hindi makaunawa sa kasiyahan kung sila ay masisiyahan na lang sa bagay na ikinaliligaya ng iba.
Dito tunay na nagtagumpay ang Eat Bulaga. Dahil sa nauna na nilang direktang napulsuhan ang masa sa pamamagitan ng kanilang “All for Juan, Juan for All”, nang pumasok ang kanilang “Kalye Serye” handang-handa na sa ganoong tipo ng panoorin ang masa, ang madla. Ibig sabihin, nauna na sila sa pag-pulso ng kung ano talaga ang gusto ng masa.
Pero kung sina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon ang tatanungin, ang totoo maging sila ay hindi maipaliwanag kung bakit ganoon na lamang ang pagtangkilik ng napakarami sa tambalang #Aldub, kasama na sa mga karakter nina Wally, Jose at Paolo.
You do not explain a phenomenon such as #Aldub. It is what it is: a huge success.
Hindi ipinapaliwanag ang phenomenon. Dinadama ito. Isa itong hindi nakikitang bigkis na nag-uugnay sa bawat indibidwal na nakahanap ng kaunting kaligayahan sa isang bagay na alam naman nilang yun lamang ang layunin: ang bigyan sila ng kaaliwan.
Iyon lang iyon. Masaya lang. Mababaw na kung mababaw, pero wala naman talagang layuning iba maliban sa mag-dulot ng kasiyahan. Nakamit ito. Kaya napakalaking panalo, kapwa sa panig ng naghatid nito at sa panig ng tumangkilik dito. (wakas)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.