Pugante patay sa pakikipagbarilan sa mga otoridad sa South Cotabato

 

Napatay ang isa sa dalawang pugante ng South Cotabato Rehabilitation and Detention Center makaraang manlaban umano sa mga pulis na muli sanang aaresto sa kanila.

Nasawi sa mga tama ng bala ang puganteng si Andy Evangelista, na may kasong carnapping samantalang sugatan rin ang kasamahan nito na si Oting Mando na nakulong sa kasong may kinalaman sa droga.

Tumakas ang dalawa mula sa naturang piitan noong January 15 at nagtago na simula noon.

Ayon sa Tacurong City Police, namataan kahapon sa isang beerhouse sa lungsod ang dalawa kaya’t agad na nagkasa ng operasyon ang mga otoridad.

Gayunman, nanlaban umano ang mga suspek at nakipagpalitan ng putok sa mga pulis.

Bagamat sugatan, nagawa pang makatakas ng dalawa at umabot pa ang pursuit operation hanggang sa Purok Malipayon, Barangay Balagsikan.

Unang nahuli si Mando na siyang nagturo sa kinaroroonan ni Evangelista na malubhang nasugatan sa engkwentro.

Gayunman, wala nang buhay si Evangelista nang madala sa pagamutan.

Read more...