Konstruksyon ng P13.16B New Clark City Project, sinimulan na
Sinimulan na ang konstruksyon para sa itatayong National Government Administrative Center sa New Clark City na magkakaroon ng mahalagang papel para sa Southeast Asian Games sa 2019.
Nanguna sa groundbreaking ceremony para sa naturang proyekto ang ilan sa mga matataas na opisyal ng bansa kabilang sina Foreign Affairs Secretary Alan Cayetano, Public Works Secretary Mark Villar, Transportation Secretary Arthur Tugade, Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President Vince Dizon maging sina Tarlac Governor Susan Yap at Pampanga Governor Lilia Pineda at iba pa.
Kabilang sa first phase ng 200 ektaryang government center ay ang pagtatayo ng mga back-up offices ng mga ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon at serbisyo sakaling tumama ang mga kalamidad.
Gayunman, tampok sa naturang proyekto ang itatayong world-class sports complex na mayroong Aquatics and Athletic Center na magiging venue ng bansa para sa 2019 Sea Games.
Ang naturang Sports City ay inaasahang magkakaroon ng 20,000 seast stadium na maaaring gamitin para sa track and field events at 2,000-seat naman ang kapasidad ng itatayong aquatic center.
Ayon kay Cayetano na siya ring chairman ng 2019 SEA Games Organizing Committee, susubukan ng gobyerno na idaos ang lahat ng aktibidad sa SEA games sa labas ng Metro Manila.
Ang naturang proyekto ay nagkakahalaga ng 13.6 bilyong piso na bahagi ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.