US military helicopter, nag-emergency landing sa Okinawa

By Kabie Aenlle January 24, 2018 - 01:46 AM

 

File photo US Navy

Nag-emergency landing ang isang military helicopter ng Estados Unidos sa liblib na isla sa Japan kahapon.

Wala namang naitalang mga nasugatan o napinsala sa biglaang pag-landing ng helicopter sa Tonaki island na sakop ng Okinawa prefecture.

Wala pa ring inilalabas na pahayag ang US military kaugnay ng insidente.

Nitong buwan rin lamang ng Enero ay dalawang American helicopters ang magkahiwalay na nag-emergency landing sa Okinawa.

Bagaman walang nasaktan o napinsala sa magkahiwalay na insidente, humingi ng paumanhin si US Secretary of Defense James Mattis sa kaniyang katumbas sa Japan na si Itsunori Onodera.

Ito’y dahil sa sunud-sunod nang mga aksidente sa Okinawa kung saan naka-istasyon ang mga sundalo ng Amerika sa Japan.

Noong nakaraang buwan naman kasi ay isang bintana ng US military helicopter ang bumagsak sa sports ground ng isang paaralan malapit sa Futenma marine air base sa Okinawa.

Noong Oktubre naman ay isa ring helicopter ang nagliyab naman matapos lumapag sa isang bakanteng lupa sa parehong isla pa din.

Ito rin ang naging dahilan ng pagpo-protesta ng mga tao laban sa mga base militar sa Okinawa na nagsisilbing launchpad ng mga militar ng US para sa anumang aktibidad nila sa Asya.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.