Nagreklamo ang ilang motorista dahil hindi sila naabisuhan ng maaga sa pagsasara ng Ayala Bridge ngayong araw para sa pagsasailalim sa karagdagang repairs.
Ala una ng hapon kahapon (Linggo) nang simulang ipatupad ang total closure sa Ayala Bridge at tatagal ang pagsasara hanggang sa Huwebes, October 1.
Para sa mga apektadong motorista, maaring gumamit ng alternatibong mga ruta:
Sa mga patungo ng south sa bahagi ng Otis o Pres. Quirino Avenue: Mula sa Magsaysay Blvd., Legarda St. at Lacson Ave., gamitin ang Nagtahan o Mabini Bridge, kumanan sa M. Guanzon St., diretso sa UN Avenue patungo sa destinasyon.
Sa mga galing sa P. Casal St., kumanan sa Carlos Palanca Road patungo sa McArthur Bridge diretso sa destinasyon.
Sa mga patungo naman ng north direction:
Mula sa Romualdez St., kaliwa sa Ayala Blvd., kakanan sa Taft Ave., at diretso sa Quezon o Jones Bridge patungo sa destinasyon.
Ang nasabing tulay ay isinara mula Marso hanggang Hulyo para sa sumailalim sa major repairs.
Pero ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) may kinakailangang ikumpuni sa ilalim ng tulay.
Humingi din ng pasensya si Sec. Rogelio Singson sa mga naperwisyong motorista dahil biglaan at kailangang mabilis na isagawa ang repair.