Viral ngayon sa social media ang nakabibilib na time-lapse video ng pagbuga ng abo ng Mayon Volcano.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Benjoe Nagales Agbay, isang registered nurse, nasa ibabaw umano siya ng isang gusali ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital sa Legazpi City, Albay bandang 8:48 ng umaga nang maisipan niyang kuhanan ng video ang nag-aalburotong bulkan.
Bandang 8:54am, makalipas lamang ang ilang minuto, laking gulat umano ni Benjoe nang magbuga ng usok at pyroclastic materials ang tila-kalmadong bulkan.
Napasigaw umano si Benjoe ng ‘Wow!’ pero, itinuloy pa rin niya ang pagvi-video sa aktibidad ng bulkan habang pinagmamasdan ang kagandahan nito.
Ayon kay Benjoe, hindi niya inaasahang magiging viral ang kanyang video, dahil ang nais lang naman niya ay i-‘share’ ang kanyang kuha sa kanyang mga followers sa Facebook, at mangalap lamang ng dasal para sa mga residente ng Albay na apektado ng pag-aalburoto ng bulkan.
Sa ngayon, aabot na sa mahigit 106,000 ang views ng video ni Agbay, at aabot na sa mahigit 3,900 Facebook users ang nag-share nito.
Panoorin ang time lapse video: