PHIVOLCS: Maghanda sa malaking pagsabog ng bulkang Mayon
Ang aktibidad na ipinapakita ngayon ng bulkang Mayon ay preparasyon para sa isang ‘hazardous eruption’.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, sinabi nito na ‘Strombolian eruption’ ang tawag sa ipinakikitang aktibidad ngayon ng bulkan at preparasyon ito sa mas malaki pang pagsabog.
“Patuloy ang lava fountaining pero kung mapapansin ninyo mas explosive ito. Minsan umaabot ng mahigit 1 kilometero ang lava fountain at may kasama minsan na ash column na ang pinakamataas na na-measure naming ay around 4 kilometers,” ani Solidum.
Bagaman mas malakas ang nakikitang pagsabog ngayon sa bulkang Mayon kumpara noong taong 2006 at 2009, sinabi ni Solidum na malayo naman na mauwi sa napakalas na pagsabog gaya ng nangyari noong mga taong 1814 at 1897 na napakalayo ng inabot ng ash fall.
Posible ayon kay Solidum na ang aktibidad ngayon ng bulkang Mayon ay maging kahalintulad ng nangyari noong 2000 at 2001.
Bagaman tuluy-tuloy ang pagbuga ng abo, hindi pa aniya ito sapat para itaas sa level 5 ang alerto ng Mayon kung pagbabatayan ang kasalukuyang kondisyon nito.
“Hindi appropriate ang alert level 5 sa kondisyon ng bulkan ngayon. Merong pwersa pero hindi ganoon kalalaki ang pagsabog. Kaya tayo nagtaas sa 4 ay dahil hindi natin inaalis na hanggang diyan lang ang nangyayari. Ang ating alert level 4 ay preparasyon na ang hazardous eruption is imminent,” dagdag pa ni Solidum.
Panoorin: Pagpapakawala ng abo ng Mayon Volcano as of 8:50am ngayong araw.
UPDATE: Panoorin ang pinaka-bagong pagbuga ng abo ng Bulkang Mayon as of 1:21pm.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.