Mag-iina arestado sa QC; bahay, ginagawang drug den

Kuha ni Justinne Punsalang

Sinalakay ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) Station 7 ang isang tatlong palapag na bahay sa Zambales Street na sakop ng Barangay San Martin de Porres, lungsod ng Quezon.

Arestado ang mag-iinang sina Elvira Manansala at mga anak na sina Marlon, 20 anyos at Marjorie Elpa, 23 anyos.

Narekober mula sa bahay na ginagawang drug den ang 26 na plastic sachet na naglalaman ng shabu at may street value na ₱26,000, 8 sachet na may shabu residue, at mga drug paraphernalia.

Ayon kay QCPD District Director Police Chief Superintendent Guillermo Eleazar, nasa drugs watchlist si Manansala.

Ani Eleazar, dalawang test buy na ang ginawa ng mga otoridad sa mismong bahay ni Manansala at mismong siya at kanyang mga anak ang nag-aabot ng iligal na droga sa kanilang mga buyer.

Ngunit giit ni Manansala, hindi naman sila nagtutulak ng droga at hindi rin drug den ang kanyang bahay, bagaman umamin siya sa paggamit ng shabu.

Sa katunayan ay noong 2011 ay nakulong nasi Manansala dahil sa drug possession.

Dagdag pa nito, hindi gumagamit ng shabu ang kanyang mga anak. Kaya naman pagmamakaawa nito, siya na lang ang ikulong at huwag na ang kanyang mga anak.

Bagaman arestado ang mag-iina ay nakatakas naman ang tatlong iba pang drug suspects.

Pare-parehong mahaharap ang mag-iina sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 para sa paggamit at pagtutulak ng shabu, at pag-ooperate ng drug den.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...