Sa Texas: Estudyante, namaril ng kapwa estudyante sa loob ng paaralan, isa sugatan

 

Nagkagulo ang mga estudyante ng isang high school sa Ellis County sa Texas makaraang barilin ng isang lalakeng estudyante ang isang babaeng mag-aaral rin ng nasabing paaralan sa loob ng campus.

Sugatan ang kinse anyos na hindi pinangalanang babaeng biktima sanhi ng tama ng bala sa katawan makaraang barilin ng disi-sais anyos na lalakeng estudyante rin ng naturang paaralan.

Kapwa mag-aaral ng Italy High School sa Ellis County ang dalawa.

Sa inisyal na imbestigasyon, bigla na lamang umanong pinagbabaril ng suspek ang biktima habang nasa loob ng school cafeteria dakong alas otso ng umaga, oras sa Amerika.

Dahil sa insidente, nagtakbuhan palabas ang mga mag-aaral at staff ng paaralan.

Agad namang rumesponde ang mga otoridad sa ‘active shooter incident’ at mabilis na nahuli ang disi-sais anyos na suspek.

Isinugod naman sa Parkland hospital ang babaeng estudyante upang malapatan ng lunas.

Dahil sa insidente, agad na humangos sa paaralan ang mga magulang ng mga mag-aaral.

Ilang paaralan rin ang isinailalim sa ‘lockdown’ matapos mabalitaan ang ‘active shooter incident’ sa Italy High School.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril.

Read more...