Pabuya para sa pagkakahuli sa magkapatid na Reyes, wala pang kumukuha
Isa ngayong palaisipan kung kanino mapupunta ang P4 milyong pabuya para sa magkakahuli ng magkapatid na Reyes.
Mayroon kasing tig-P2 milyong pabuya ang bawat isa sa magkapatid na sina dating Palawan Governor Joel Reyes at dating Coron Mayor Mario Reyes, pero hanggang ngayon ay wala pa ring umaangkin o kumukuha nito.
Ayon kay Crime Investigation and Detection Group (CIDG) director Chief Supt. Victor Deona, sinusubukan na ng kanilang ahensya na makontak muli ang hindi pa nakikilalang impormante na nagbigay sa kanila ng eksaktong kinaroroonan ng Reyes brothers na dumaan sa kanilang Complaints Referral and Monitoring Center (CRMC).
Ani Deona, hinahanap na ulit ng kanilang mga imbestigador ang nasabing impormante, at siniguro naman niya na magsasagawa muna ng beripikasyon ang mga imbestigador sakaling mahanap na nila ito para matiyak na tama ang pagbibigyan ng pabuya.
Sina Joel at Mario Reyes ang inaakusahang nasa likod ng pagpatay sa environmentalist at mamamahayag na si Gerry Ortega, apat na taon na ang nakalilipas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.