Mga estudyante sa Camalig, Albay, gumagamit muna ng temporary learning spaces para makapag-klase

Kuha ni Mark Makalalad

Malaking pakinabanag para sa mga estudyante sa Albay ang mga temporary learning spaces o TLS na nagagamit nila sa pag-aaral.

Balik-normal na kasi ang klase sa lahat ng mga paaralan makaraang maantala ng isang linggo dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon.

Sa Camalig North Central Elementary School na may pinakaraming estudyante na sakop sa Camalig, nasa 11 TLS ang nagagamit. Bawat isang TLS ay kayang mag-accomodate ng 50 estudyante pero para maiwasan ang siksikan ay 40 lang ang pinapayagang magklase sa isang TLS.

Ayon kay Mackel Arcos, Public Information Officer ng paaaralan, bukod sa 11 TLS, ginagamit din nila 8 nilang sobrang classrooms.

Sa kabuuan ay may 43 classrooms sa paaralan pero 35 sa mga ito ay ginagamit ng mga bakwit.

Sa TLS, regular ang klase ng kinder, grade 1 at grade 6. Nabatid kasi na nasa foundation stage ang kinder at grade 1 habang kinakailangan naman ang regular na klase sa grade 6 dahil magtatapos sila ng pag-aaral.

Samantala, alternate naman ang pasok ng grade 2 hanggang grade 5 na estudyante.

Dalawa naman ang itinalagang shift para sa Camalig North Central School, isang 7:30 hanggang 11:30 ng umaga at ala-1:00 hanggang alas-4:00 ng hapon.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...