Paghihiganti, posibleng motibo sa pamamaril sa isang pulis sa Sta. Cruz, Maynila

Tuluyan nang nasawi ang pulis na unang napaulat na nasa kritikal na kondisyon matapos pagbabarilin ng apat na suspek na nakasakay sa dalawang motorsiklo sa may Sta. Cruz, Maynila.

Kinilala ang nasawing pulis na si SPO1 Teodorico Arabe Jr., habang ang kagawad naman na nasugatan din sa pag-atake ay si Gimiliano Ajon.

Base sa paunang imbestigasyon, nakatayo lang sa bakery sa kanto ng Yuseco at Tomas Mapua streets sina Arabe at Ajon nang bigla silang paputukan ng mga suspek, Sabado ng gabi.

Ayon kay Manila Police District (MPD) Homicide investigator SPO4 Milbert Balinggan, posibleng paghihiganti ang motibo sa pagpatay kay Arabe.

Kinaiinisan kasi ito ng ilan sa mga pedicab drivers sa nasabing lugar matapos niyang sitahin ang mga ito ilang linggo na ang nakalilipas.

Si Arabe ay kabilang sa traffic enforcement unit ng MPD, ngunit bago ito ay nasa ilalim siya ng anti-illegal drugs division.

Ayon sa mga testigo, bumaba pa ng motorsiklo ang mga suspek para tiyaking hindi na talaga mabubuhay si Arabe.

Naisugod pa sa ospital si Arabe ngunit pumanaw din habang binibigyang lunas.

Samantala, ang kagawad naman na si Ajon ay nananatiling nasa kritikal na kondisyon sa University of Santo Tomas Hospital.

Read more...