Bong Revilla hiniling sa SC na makalaya mula sa kulungan

Naghain ng petisyon ang kampo ni dating Senador Bong Revilla sa Supreme Court na ipag-utos nito ang kanyang paglaya mula sa kulungan.

Sa naturang petisyon, nakasaad rin na hinihiling ni Revilla ipag-utos ng SC sa Sandiganbayan na itigil na ang pagpapaprisinta sa kanya ng mga ebidensya tungkol sa mga nakasampang kaso laban dito na may kaugnayan sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

Ayon pa kay Revilla, nilabag ng Sandiganbayan ang karapatan niya sa due process nang ikulong ito sa loob ng apat na taon.

Partikular na kinwestyon ng kampo ni Revilla ang resolution ng Sandiganbayan noong December 7, 2017, kung saan ibinasura nito ang kanyang motion to file a demurrer to evidece at resolution noong December 28, 2017 na nagbasura rin sa motion for reconsideration ng dating senador.

Maging ang resolusyon noong February 23, 2017 na nagbasura sa kanyang motion to quash ay kinwestyon din ni Revilla, pati na rin ang November 9, 2017 resolution ng Sandiganbayan na tumanggap sa lahat ng ebidensyang iprinisenta ng prosekusyon bagaman mariin itong tinutulan ni Revilla.

Habang hinihintay ang sagot ng SC ay hiniling naman ng dating senador na payagan siyang makapag-piyansa para pansamantalang makalaya.

Read more...