Nasa mahigit tatlong daang pamilya ang inilikas dahil sa matinding baha na dulot ng habagat na pinalakas ng bagyong ‘Jenny’.
Base sa tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umaabot sa 378 na pamilya o 1,800 na residente ang apektado sa ilang mga bayan at lungsod sa lalawigan Negros Occidental.
Sa Himamaylan city, nasa 335 ang inilikas, 30 naman sa Kabankalan City habang 13 naman sa bayan ng Isabela.
Bukod dito 13 bahay naman ang nawasak dahil sa pagbaha.
Mahigit 100 pasahero ang stranded sa mga pantalan ng Tagbilaran, Bohol at Cebu matapos hindi payagang maglayag dahil sa malalakas na alon sa karagatan.
Samantala, dito sa Metro Manila, bigla ring tumaas ang tubig-baha sa Maysilo circle sa Mandaluyong City.
Umabot pa sa puntong hindi na madaanan ng anumang uri ng sasakyan ang naturang lugar.