Pimentel: Senado hindi susunod sa gusto ni Alvarez tungkol sa Con-Ass

By Chona Yu, Ricky Brozas January 21, 2018 - 08:46 PM

Nanindigan si Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III na hindi tatalima ang senado sa gusto ni House Speaker Pantaleon Alvarez na sabay na pagbotohan ng Kamara at mataas na kapulungan sa pamamagitan ng Joint Session ang constituent Assembly (Con-Ass) para sa pagbalangkas ng panukalang Pederalismo.

Reaksiyon ito ni Pimentel sa panayam ng Radyo Inquirer sa programang Nueve Noventa Report, makaraang sabihin ni Alvarez na bilang Pangulo ng PDP-Laban na partido ng administrasyon ay obligado siyang dumalo sa Joint Session.

Ayon kay Pimentel, hindi lamang niya obligasyon kundi ng buong mga senador ang pagdalo sa anumang proseso ng pagbabago sa saligang-batas. Gayunman, naninindigan siya na hindi maaari ang gusto ni Alvarez na sabay na pagbotohan ng dalawang kapulungan ng kongreso ang amiyenda sa konstitusyon.

“If the Speaker is referring to the joint session na nasa isip nila, eh hindi po ako obligado doon. Ang obligasyon hindi lamang ng Senate President kundi all senators ay sa tamang proseso.”

Ipinunto ni Pimentel, na ang nais ng mayorya ng mga senador ay hiwalay na talakayin at pagbotohan ng Kamara at senado ang proposed amendment sa konstitusyon.

Kailangan aniya kasi ang hindi bababa sa ¾ na suporta ng mga senador at ¾ din ng bilang ng mga kongresista sa panukala bago ito ilatag sa taumbayan.

Sabi pa ni Pimentel, kung sa tingin ni Alvarez at tama ang proseso na kanilang ipinatutupad sa Kamara ay ituloy lamang nila ito, pero may hiwalay din na panuntunan ang senado na dapat nilang respetuhin.

“Ang interpretation kasi ng lahat ng senador ay voting separately ang pagpropose sa amendment sa Constitution. Therefore, kung voting separately, hindi po kailangan na physically joint session.”

Iginiit din nito na kumpara sa mababang kapulungan ay mas mabigat ang rekisito ng senado sa panukalang amiyenda sa saligang-batas.

Sinabi rin ni Pimentel na magkaiba ang stand ng PDP-Laban sa pananaw ng buong senado sa panukala kaya’t hindi maaring igiit ni Alvarez ang kanyang gusto.

Bagaman magkasalungat ang pananaw ng Kamara at senado sa proseso ng pagbabago sa saligang batas ay naniniwala si Pimentel na hindi naman ito hahantong sa constitutional crisis.

TAGS: Constitutional Assembly, House Speaker Pantaleon Alvarez, Sen. Aquilino Koko Pimentel, Constitutional Assembly, House Speaker Pantaleon Alvarez, Sen. Aquilino Koko Pimentel

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.