Chris Brown hindi papayagang makapasok sa Australia
Balak harangin ang nakatakdang concert ng American RNB singer na si Chris Brown sa Australia.
Ito ang naging anunsiyo ng Immigration Ministry ng Australia sa gitna ng pagtalakay ng kanilang gobyerno sa mga kaso ng domestic violence.
Bago pa man ang araw ng pagbebenta ng mga ticket sa concert tour ni Brown na “One Hell of a Nite”, nag isyu na ang Australia immigration sa Grammy award-winning performer ng Notice of Intention to Consider Refusal.
May kinalaman ang naturang notice sa pambubugbog ni Brown sa American Popstar na si Rihanna na dati nitong kasintahan noong 2009.
Ayon kay Immigration Minister Peter Dutton, ang mga taong nabibigyan ng naturang abiso ay may dalawampu’t walong araw (28 days) para ipakita kung bakit dapat pa silang mabigyan ng visa upang makapasok sa Australia.
Una nang pinagbawalan na makapasok sa Australia ang American undefeated boxing champion na si Floyd Mayweather Jr., dahil sa mga kinaharap na kaso ng pananakit ng babae.
Nakatakdang mag-perform si Brown ng kanyang concert sa mga lugar na Perth, Melbourne, Sydney at Brisbane sa Australia sa December 9 hanggang 16 ngayong taon.
Matatandaang nagkaproblema naman sa paglabas ng Pilipinas si Chris Brown nang mag-concert ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.