Mga pulis na sangkot sa shooting incident sa Mandaluyong, nakapagpiyansa
Pansamantala nang makakalaya ang mga pulis na sangkot sa pamamaril sa isang AUV sa Mandaluyong City.
Ito ay matapos makapagpiyansa nina PO2 Lemuel Songalia, PO1 Airel Uribe, Jave Arellano, Tito Danao, Mark Castillo, Julius Libuen, Bryan Nicolas, Albert Buwag, at Kim Rufford Tibunsay para sa dalawang counts ng homicide at dalawang counts rin ng frustrated homicide na nakasampa laban sa kanila.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) Deputy Director for Operations, Senior Superintendent Florendo Quibuyen, surety bond ang binayaran ng mga nasabing pulis.
Biyernes nang i-turnover ang mga pulis sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Bagaman nakapagpiyansa na ay nasa floating status pa rin ang mga ito at nasa restrictive custody ng Regional Headquarters Support Group ng NCRPO habang naka-umang ang imbestigasyon para sa posibleng kasong administratibo laban sa kanila.
Ang kanila namang team leader na si Senior Inspector Maria Cristina Vasquez naman ay nasa ilalim pa rin ng restrictive custody sa Mandaluyong City Police.
Samantala, nakapagpiyansa na rin ang dalawang tanod ng Barangay Addition Hills na sina Wilmer Duron at Gilbert Gulpo na kapwa mayroong kinakaharap na kasong dalawang counts ng homicide at frustrated homicide.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.