Malacañang no comment sa “zero budget” para sa mga tutol sa federalism
Tahimik ang Malacañang sa naging pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na walang makukuhang budget mula sa pamahalaan ang mga pulitikong tutol sa pagsusulong ng Federalism.
Nilinaw ni Presidential Communication Sec. Martin Andanar na hindi galing sa Malacañang ang nasabing pahayag at ipinauubaya na nila ito kay Alvarez.
Nauna nang sinabi ng House Speaker na bibigyan ng zero budget ang mga mambabatas at local officials na hindi susuporta sa pagpapalit ng porma ng pamahalaan.
Sinabi ni Andanar na malayang magpahayag ng kanyang saloobin si Alvarez lalo’t hiwalay naman ang kongreso sa executive branch.
Nilinaw pa ng kalihim na noon pa lamang panahon ng kampanya ay naipangako na ng pangulo na isusulong niya ang federalism sa bansa dahil ito umano ang nakikita niyang paraan para mabigyan ng pantay na oportunidad ang mga taga-lalawigan.
Umaasa rin ang opisyal na makakakuha ng sapat na suporta sa mga pulitiko ang nasabing panukalang pagbabago ng Saligang Batas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.