Sinabi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani na hindi dapat ipagkatiwala lamang sa mga kongresista ang pag-amyenda sa Konstitusyon sa pamamagitan ng Constituent Assembly.
Malinaw umano na sunud-sunuran lamang ang Kamara sa mga kagustuhan ng Malacañang.
Kinakailangan ayon kay Bacani ang hiwalay na boto ng mga senador at mga kongresista sa Con-Ass.
Ipinaliwanag rin ng nasabing opisyal ng simbahan na hindi naman nangangahulugan na gaganda na ang buhay ng mga Pinoy kapag naisulong ang gusto ni Pangulong Rodrigo Duterte na federalism.
Maari pa umanong maging ugat ito ng lalong pagkakawatak-watak ng mga Pinoy.
Samantala, sinabi naman ni dating Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President Archbishop Socrates Villegas na mas mainam sa bansa ang Constituent Convention kumpara sa Con-Ass na paraan sa charter change.
Malinaw umano sa Con-Ass na may mga sariling interes na isinusulong ang mga pulitiko kung kaya’t minamadali nila ang pag-amyenda sa Konstitusyon.
Wala namang inilalabas na opisyal na pahayag ang CBCP sa nasabing isyu.
Ang CBCP ay pinamumunuan ngayon ni Davao Archbishop Romulo Valles na sinasabing malapit na kaibigan ng pangulo.