Una na kasing nagbanta si Alvarez sa mga lokal na opisyal na dapat igalang ng mga ito sakaling magdesisyon siyang huwag bigyan ng budget ang mga hindi susuporta sa pagsusulong ng pederalismo.
Maliban dito, nanawagan rin siya sa publiko na huwag nang iboto ang mga senador na hindi susuporta sa pederalismo dahil aniya, walang pakialam ang mga ito sa pag-unlad ng mga lalawigan.
Sa kabila ng mga ganitong pahayag ni Alvarez, nanindigan pa rin ang mga senador sa nakasaad sa Konstitusyon kaugnay ng magkahiwalay na pagboto ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, walang anumang banta at pambu-bully ang makaka-kumbinse sa kanila na lumabag sa Saligang Batas na kanilang pinanumpaan nang sila ay manungkulan.
Gayundin ang naging pananaw ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na nagsabing hindi basta maaaring i-bully ni Alvarez ang mga senador at hindi nila ito kukunsintehin.
Ani pa Drilon, ang Cha-cha sa Kamara ay madidiskaril bago pa man ito umusad dahil makikita ng mga Pilipino ang tunay na layunin ng pederalismo, at ito ay ang suspindehin ang halalan at palawigin ang termino ng mga opisyal.
Target din aniya nitong buwagin ang Senado upang mawala ang check and balance system sa gobyerno.
Para naman kay Senate Majority Leader Tito Sotto, ang bukod tanging sitwasyon na nangangailangan ng joint session ay ang deklarasyon lamang ng martial law.
Hindi aniya siya nababahala sa mga ganitong “negative campaign” dahil sa sampung beses na pagsabak niya sa senatorial elections, hindi naman siya naaapektuhan ng mga ito.
Dismayado naman si Sen. Sherwin Gatchalian na kinailangan pang magbitiw ni Alvarez ng mga gnitong panakot para lang i-pressure ang Senado.
Hindi naman makita ni Sen. Chiz Escudero ang kaugnayan ng pederalismo sa pagpapaunlad sa mga lalawigan.
Samantala, ayaw na munang magkomento ni Senate President Koko Pimentel sa mga banat ni Alvarez, at sinabing abangan na lamang muna na matapos ng Kamara at Senado ang kani-kanilang mga trabaho.