‘Pambubugaw’ umano ng ‘It’s Showtime’ kay ‘Pastillas Girl’, inireklamo sa MTRCB

Bandera/inquirer file photo

Pinaiimbestigahan ng Gabriela Womens Party sa Movie Television Review and Classification Board ang noontime show ng ABS-CBN na ‘It’s Showtime’.

Base sa liham ni Gabriela Secretary General Joan May Salvador kay MTRCB Chairman Atty. Toto Villareal, hiniling nito na maimbestigahan ang nasabing palabas partikular ang serye na may kaugnayan sa tinaguriang ‘Pastillas girl’.

Nakasaad sa liham na maraming natatanggap na reklamo ang kanilang grupo dahil sa ginagawa umano ng naturang programa na pang-aabuso sa tinaguriang ‘Pastillas girl’ sa pamamagitan ng mistulang pagrereto o pambubugaw sa iba’t-ibang lalaki.

Bukod sa MTRCB, sumulat din ang grupong Gabriela sa Executive Producer ng ‘It’s Showtime’ upang pasagutin sa mga alegasyon laban sa kanila.

Sinabi ng grupo na bilang tagapagtaguyod ng karapatan ng mga babae hindi nila kayang balewalain ang mga sumbong at reklamong ipinaparating sa kanila laban sa nasabing programa sa telebisyon.

Matatandaang kamakailan ay lumutang ang segment na kinatatampukan ni ‘Pastillas girl’ sa ‘Its Showtime’ ng ABS-CBN at itinapat sa kalyeseryeng ‘AlDub’ ng ‘Eat Bulaga’.

Read more...