Worst human rights crisis sa Pinas, gawa-gawa lang ayon sa Malakanyang

Minaliit ng Malacañang ang pahayag ng Human Rights Watch na kinakaharap ngayon ng bansa ang pinakamalalang krisis sa karapatang pantao.

Tinawag ni Presidential spokesman Harry Roque na “fiction” o gawa-gawa lamang ito.

Sa World Report 2018 nito, muling binanatan ng HRW si Pangulong Rodrigo Duterte sa madugong gyera kontra sa droga ng kanyang administrasyon.

Ipinunto rin ng organisasyon ang mga banta ni Duterte laban sa media companies.

Dahil dito, sinabi ng HRW na ito na ang “worst human rights crisis” na kinakaharap ng bansa mula noong diktadurya ni dating pangulong Ferdinand Marcos noong 1970s at 1980s.

Ayon kay HRW deputy Asia director Phelim Kine, hindi lamang nilabanan ni Duterte ang mga panawagang itigil ang kanyang madugong kampanya kontra droga. Minaliit din niya ang mga aktibista na iniimbestigahan at tinutuligsa ang kanyang kampanya.

Sinabi ni Kine na ipinauubaya niya na sa United Nations ang pagsuporta sa pagsasagawa ng international investigation at itigil na ang umano’y mass killings.

Dagdag ng HRW, inakusahan din ni Duterte ang online news site na Rappler na pag-aari ito ng US para sirain umano ang kredibilidad nito.

 

 

 

 

 

 

 

Read more...