Termination ng kontrata sa MIASCOR, isinilbi na ng MIAA

Isinilbi na ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa MIASCOR ang abiso na hindi na palalawigin pa ang ground handling operation contract nito.

Ang sulat ni MIAA Gen Manager Ed Monreal ay naka-address kay Fidel Reyes ang presidente ng MIASCOR at may petsang January 19, 2018.

Nabatid na ang kasunduan sa airport ground handling company ay nag-expire na noon pang March 31, 2017.

Inatasan din ni Monreal ang kumpaniya na bakantehin na ang lahat ng espasyo sa NAIA complex na kanilang inookupahan sa loob ng 60 araw.

Sa isang press conference, sinabi ni Monreal na sa 26 na insidente ng baggage pilferage sa NAIA Terminals noong nakaraang taon, 18 ang kinasasangkutan ng mga tauhan ng MIASCOR.

Magugunita na galit na pinuna ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga insidente ng pagbubukas at pagkawala ng mga bagahe ng mga pasahero sa mga airports.

Kasunod nito, ipinatawag ni Transportation Sec. Arthur Tugade ang lahat ng airport officials maging ang mga opisyal ng ground handling companies, manpower service providers at security managers.

Inatasan ni Tugade ang mga ito na linisin ang kanilang hanay sa loob ng limang araw.

Aniya ang mga kumpaniya na may mga kawani na may record ay agad na niyang tatanggalin.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Read more...