Matapos ang insidente ng pagnanakaw sa bagahe, kontrata sa MIASCOR, pinatitigil na ni Pangulong Duterte
Ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga airport at transport official na i- terminate na ang kontrata ng pamahalaan sa aviation service provider na Miascor kasunod ng insidente ng pagnanakaw sa laman ng mga bagahe sa Clark International Airport sa Pampanga.
Ayon kay Duterte, dapat agad mabigyan ng hustisya ang sinapit ng mga nanakawang Overseas Filipino Worker (OFW) kaya dapat agad ihinto na ang kontrata sa naturang service provider at maghanap na lang ng iba.
Ginawa ng pangulo ang utos sa pakikipagpulong niya sa mga opisyal ng paliparan at iba pang ahensya sa Malakanyang.
Ayon sa pangulo, hindi na dapat maulit ang sa iba ang sinapit ni ng OFW na si Jovinal dela Cruz, hindi lang sa Clark kundi maging sa iba pang paliparan.
Magugunitang nag-upload ng video sa kaniyang Facebook si Dela Cruz at ipinakita na napagnakawan ang kaniyang maleta at mga dalang kahon.
Agad sinibak sa pwesto ang anim na empleyado ng Miascor na nakatalaga sa Clark International Airport matapos ang insidente.
Ayon kay Clark International Airport Corp. Acting President Alexander Cauguiran sinampahan nila ng kasong pagnanakaw ang anim.
Binayaran din umano ng Miascor si Dela Cruz ng aabot sa P84,000 para sa mga nawalang gamit nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.