Mga pulis na may kaugnayan sa droga hindi pwedeng sumama sa ibabalik na Oplan Tokhang

Hindi pasasamahin ng Philippine National Police (PNP) sa muling inilunsad na Oplan Tokhang ang mga pulis na may kaugnayan sa iligal na droga.

Ayon kay PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa, hindi na pwedeng sumama ang mga pulis na sangkot sa droga sa pagkatok sa mga bahay para pasukuin ang mga pinaghihinalaang drug personalities.

Aminado si Dela Rosa na ginamit dati ng ilang pulis ang tokhang para mangikil ng pera sa mga drug suspects na kasama sa anti-illegal drug watchlist.

Bumuo na anya ang PNP ng oversight committee, sa pangunguna ni Deputy Chief for Operations Deputy Director General Fernando Mendez Jr., para i-refine ang Oplan Tokhang at magkaroon ng mahigpit na hakbang para hindi ito magamit sa pag-abuso.

Sa bagong tokhang ay magiging transparent ang pulisya at sasanayin ang mga pulis na magsasagawa ng pina-igting na war on drugs.

Balik sa kampanya kontra droga ang PNP bilang suporta sa PDEA na siya pa ring pangunahing ahensya sa anti-drugs operations.

 

 

 

 

 

Read more...