Maria Ressa at 2 iba pa, ipina-subpoena ng NBI dahil sa reklamong cybercime

By Kabie Aenlle, Rod Lagusad January 19, 2018 - 02:10 AM

Inquirer file photo

Ipinatatawag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang chief executive officer ng online news organization na Rappler na si Maria Ressa, isa nilang reporter at isang negosyante dahil sa reklamong cybercrime.

Inilabas ang mga subpoena laban kina Ressa at dating justice reporter na si Reynaldo Santos Jr. upang isumite ng kanilang mga ebidensya sa headquarters ng NBI sa January 22, ganap na alas-10:00 ng umaga.

Kasama rin sa ipinatatawag ng NBI ang negosyanteng si Benjamin Bitanga na may-ari ng Dolphin Fire at shareholder ng Rappler Holdings, Inc.

Gayunman, nilinaw ng Rappler na hindi kasama sa board ng Rappler Inc. si Bitanga.

Ang mga naturang subpoena ay nag-ugat sa reklamong cybercrime na isinampa ng Chinese-Filipino businessman na si Wilfredo Keng, na isa sa mga naging subjects ng Rappler sa kanilang investigative report noong 2012.

Binanggit kasi sa nasabing report na ipinapahiram ni Keng ang kaniyang sports utility vehicle kay dating Chief Justice Renato Corona, na nakasalang sa impeachment trial nang ito ay ilathala ng Rappler.

Batay sa report ng Rappler, naka-rehistro kay Keng ang SUV na may plakang ZWK-111 sa Land Transportation Office (LTO).

Bagaman inamin ni Keng na sa kaniya nga ang nasabing plaka, mariin naman niyang itinanggi na ang SUV na ginagamit ni Corona ay kaniyang pag-aari.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.