Inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na pinag-aaralan na ng pamahalaan ang total ban ng pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa Kuwait.
Ito ay kaugnay pa rin sa tumataas na bilang ng mga kaso ng pagmamalupit at sexual abuses lalo na sa mga kababaihan.
Sinabi ng pangulo na nakababahala ang mga ulat lalo’t apat na mga Pinay workers sa Kuwait ang naireport na nawawala at hindi pa nakikita hanggang sa kasalukuyan.
Sa paglulunsad kanina ng Overseas Filipino Bank, sinabi ng pangulo na patuloy ang pagtutok ng gobyerno sa kaso ng mga nawawalang Pinay sa Kuwait.
Bagaman hindi umano siya makikipag-away sa Kuwaiti government at oobligahin naman niya ito na gumawa ng paraan para malaman ang kinahinatnan ng nasabing mga OFWs.
Aminado naman si Labor Sec. Silvestre Bello III na isang problematic country ang Kuwait.
Ayon sa tala ng mga otoridad, ang Kuwait ang ika-apat sa mga pangunahing destinasyon ng mga Pinay domestic helpers sa abroad.