(UPDATE) Apat ang patay kabilang ang dalawang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa insidente ng pamamaril sa Muntinlupa City.
Ayon kay Southern Police District Director Chief Supt. Tomas Apolinario, idineklarang patay sa Medical Center Muntinlupa sina JO1 Felino Salazar at JO2 Elmer Malibdao.
Naganap ang pamamaril malapit sa Muntinlupa City Jail sa Barangay Tunasan alas 8:30 ng umaga ng Huwebes (Jan. 18).
Sinundan umano ng rinding-in-tandem sina Malindao at Salazar at saka sila pinaputukan.
Kaagad na bumulagta si Salazar habang tuloy-tuloy lamang sa pag-andar ng kaniyang motorsiklo si Malindao. Subalit tinamaan din siya ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan.
Nabaril naman ng mga rumespondeng tauhan ng BJMP ang dalawang suspek kung saan isa sa kanila ay dead on the spot habang ang isa ay nasawi sa Ospital ng Muntinlupa.
Hindi pa alam kung ano ang motibo sa pamamaril pero isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang hawak ngayon mga otoridad.
Dinakip si Prison Guard 1 Dee Jay Tanael dahil itinuturing siyang person of interest makaraang makita sa crime scene na may bitbit na baril.