Aerial inspection, isinagawa sa bulkang Mayon
Nagsagawa ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ng aerial inspection sa bulkang Mayon.
Lumipad ng may taas na 7,000 feet ang mga miyembro ng Quick Response Team ng Phivolcs para magkaroon ng comprehensive assessment sa nagpapatuloy na pag-alburoto ng Mayon.
Katuwang ng Phivolcs ang Philippine Air Force Tactical Operations Group sa naturang inspeksyon.
Kasama rin ng Phivolcs sa pagsusuri malapit sa gilid ng bunganga ng bulkan at mga batong nahuhulog mula sa Mayon ang ang Philippine Red Cross, Department of Social Welfare and Development at pamahalaang lokal ng Albay.
Sa ngayon, nananatili pa rin sa Alert Level 3 ang nasabing bulkan.
Kaugnay nito, dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng bulkang Mayon, nagsagawa ng assessment meeting ang provincial government ng Albay.
Pinangunahan ang nasabing pagpupulong ni Albay Gov. Al Francis Bichara na dinaluhan nina Presidential Spokesperson Harry Roque, NDRRMC Exec. Dir. Ricardo Jalad at PHIVOLCS Exec. Dir. Renato Solidum.
Dumalo din sa meeting sina Albay 3rd District Congressman Fernando Gonzales, mga mayor sa Albay, mga kinatawan mula sa PNP at AFP at mga regional directors ng DILG at DSWD.
Kabilang sa mga tinalakay ay ang emergency response para sa mga naapektuhan ng ash fall at yung mga lumikas na mula sa paanan ng bulkan.
Napag-usapan din ang problema sa mga evacution centers na patuloy na nadadagdagan at kakulangan sa supply ng tubig dito.
Martes, pormal nang isinailalim sa state of calamity ang buong lalawigan ng Albay kaugnay pa rin sa epekto nang pag-aalburuto ng bulkang Mayon.
Kabilang sa dahilan nito ang kahalagahan nang deklarasyon para sa “immediacy at effective distribution” ng tulong sa mga apektadong residente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.