Nais ng dalawang mambabatas mula sa Kabayan partylist na ilipat ang ‘seat of government’ mula Metro Manila patungong Davao City.
Ipinanukala nina Representatives Ron Salo at Ciriaco Calalang ang House Bill 6968 o Philippine Capital Relocation Act of 2018.
Nais ng panukalang batas na maresolba na ang isyu ng umano’y “Manila imperialism” at mapalawig ang pag-unlad sa ibang bahagi ng bansa partikular sa Mindanao.
Naniniwala ang kapwa mambabatas na ang paglilipat ng ‘seat of government sa Davao City ay magpapalakas sa nasyonalismo at pagkakabuklod sa mga mamamayan sa mga lalawigan.
Solusyon din anila ito para mapaluwag ang Metro Manila at masolusyonan ang matinding problema nito sa trapiko.
Sakaling maaprubahan ay bubuoin ang tinatawag na ‘National Government Center’ sa naturang lungsod kung saan ilalagay ang mga sumususunod na tanggapan:
– Presidential Palace
– Vice-Presidential Palace
– Senate
– House of Representatives
– Supreme Court
– Constitutional Offices
– National offices of government agencies
Mananatili naman ang ‘economic’ or ‘finance’ center sa Metro Manila.
Base sa inisyal na pagtaya, nasa P1 bilyong piso ang kailangang ilaan para sa naturang batas na madaragdagan mula sa General Appropriations Act sa mga susunod na taon.