Length-of-stay requirement ng PhilHealth sa mga kaso ng pneumonia at iba pang sakit, inalis na
Nagdesisyon ang PhilHealth ang length-of-stay (LOS) requirement para sa mga kaso ng pagka-ospital dahil sa community-acquired pneumonia (CAP), acute gastro-enteritis (AGE) at urinary tract infection (UTI).
Napag-alaman kasi ng PhilHealth na may mga miyembro silang sadyang pinapahaba pa ang pagkaka-admit sa ospital upang makuha lamang ang reimbursement ng kanilang benepisyo.
Ayon sa resolusyong inilabas ng PhilHealth Board, sakop din ng bagong patakarang ito ang mga dependents ng kanilang mga miyembro para sa lahat ng accredited health care institutions sa buong bansa.
Dahil sa pagbabagong ito, “subject to pre-payment medical review” na lamang ang mga kaso ng CAP, AGE at UTI, at hihingin ang mga documentary requirements para sa mga kasong ito bago ang pagbabayad sa mga claims.
Ayon kay PhilHealth Interim/Officer-in-charge, President at CEO Dr. Celestina Ma. Jude P. de la Serna, mangangailangan ng certified true copy ng complete clinical chart ng pasyente ang pagkuha ng claims sa mga sakit na ito kabilang na ang sepsis.
Nakasaad dapat dito ang history ng sakit ng pasyente, course nito sa ward, vital signs monitoring, orders sheet ng doktor, mga notes ng nurses, pati na ang laboratory at imaging results.
Paalala ni De La Serna, ibabalik lang sa mga health care institutions ang mga claims kung hindi kumpleto ang mga nasabing requirements para sa compliance.
Sa ilalim ng All Case Rates provider payment mechanism, magbabayad ang PhilHealth ng P15,000 para sa moderate risk pneumonia, P32,000 naman sa high risk, P6,000 sa AGE at ang coverage naman para sa UTI ay mula P6,800 para sa impeksyon ng ibang bahagi ng urinary tract habang nagbubuntis, P7,500 para sa UTI sa unspecified site, P10,600 para sa UTI following delivery at P12,700 para naman sa neonatal UTI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.