Top kilig stars ng ABS-CBN/It’s Showtime kalaban naman ng akyat-ligaw ni Alden kay Yaya Dub sa blocktimer Eat Bulaga ng GMA-7.
Ang resulta sa worldwide tweet, ang #ALDubEBforLOVE ay nanguna sa 23.1 M tweets at ang #ShowtimeKapamilyaday ay nagtala lamang ng 6.7M.
Ika nga, sobrang triple ang panalong tweets ng YAYADUB. Pero, ang tunay na sukatan ng popularidad ng dalawa ay ang magkahiwalay na TV ratings ng AGB-NIELSEN at KANTAR media na lalabas ngayong Lunes ng umaga.
Doon makikita ng mga tv producers ang minute-by minute rating kung gaano karami ang mga nanood sa tapat tapat na eksena nina Aldub, vs. Kathniel, Jadine, Lizquen,Kimxi at Vice Ganda.
Sa totoo lang, naiintindihan ko kung bakit ibinuhos ng ABS-CBN ang lahat para talunin ang ALDUB phenomenon.
Ika nga, todo todo pati pamato.
Ito’y dahil labis nang nasasaktan ang buong Afternoon block ng Kapamilya network at damay na ang buong “daytime block” hindi lamang Sabado kundi maging Linggo.
At ang malaking panganib, tuluyang malalampaso sila sa “overall nationwide ratings” na ang ibig sabihin ay pagbaba ng advertisements.
Ngayong natapos ang “all out party” ng Kapamilya noong Sabado, hindi ako magtataka kung magtaas na ng bandila ang “It’s Showtime” lalot kung masyadong “lampaso” ito sa lalabas na “ratings”.
Well, ang twitter statistics ay indikasyon na talagang talo nga.
Ang pag-asa kasi ng Kapamilya ay mabilis na lilipas, pagsasawaan, malalaos o kaya’y matatapos na ang kalye-serye ni Aldub.
Pero, mukhang maling-mali sila lalo na ang paniniwalang “kilig” lang ang isyu sa tagumpay ng Aldub.
Hinakot nga ang kanilang mga best loveteams subalit , sa execution noong Sabado , pareho ring “song, jokes and dance format” ang nangyari.
Bagay na matagal nang pinagsawaan ang taumbayan pero swak na swak sa TFC o sa mga regional viewers.
Samantalang ang KALYE SERYE ay tila lamok na sinuyod na yata ang lahat ng sulok ng barangay sa Greater Manila Area bukod pa sa derektang tulong sa mga maswerteng pamilya.
Ika nga , nanunuot at malakas ang “viewer engagement’ at “social work” ng Eat Bulaga na nakikisalamuha kahit sa pinakamaruming bahay at lugar .
Kaya naman, sanay na ang publiko sa mga ‘informal”, biglaan at spontaneous na mga eksena.
Walang rehearsal lalo na sa mga bahay na pinapasok.
Matatawa at maiiyak, maaawa ka sa bawat eksena.
Sa aking palagay, ang nangyayaring Aldub phenomenon ay “resulta” ng matagal ng pag-iikot at derektang pakikiramay ng Eat Bulaga sa taumbayan.
Ika nga, nalagyan pa ng kilig-kwento ang araw-araw nilang coverage ng hirap na buhay ng sambayanang Pilipino.
Nakakatulong na, may pag-asa pang manalo, natatawa at kinikilig ka pa. Bukod sa katotohanan na maraming mga kabataan sa mga lugar ng masa ngayon ang lumaki na sa panonood na ang iba ay naging debosyon na.
At ang kanilang kilig , ay pinatindi pa ng Aldub kahit alam nilang kathang isip na comedy skit lamang.
Maliwanag sa akin na “natuto” na ang taumbayan sa tinatawag kong “purposeful viewing”, panonood na mayroong totoong kahulugan sa ating oras at buhay.
Ang malungkot sa Kapamilya ay ang katotohanang ang Yayadub ay unang ideya pa lang ng Kalye-serye at tiyak na susundan ito ng iba pang “romance-comedy skits”.
Pero, hanggat di nakikita ng Kapamilya Network ang pantapat na may tamang elemento, matatagalan bago sila makabangon.
Ang mahalagang dapat isipin nila, koneksyon sa taumbayan ang susi, hindi pakyut, walang “star complex”, totoong tumutulong at tunay na kapamilya hindi lang tuwing tanghali kundi lahat ng oras. (end)