Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga miyembro ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at iba pang youth groups sa Mendiola, Maynila upang kondenahin ang kautusan ng Securities and Exchange Commission (SEC) na kanselahin ang lisensya ng news outfit na Rappler.
Mahigit 30 miyembro ng CEGP ang nagsagawa ng indignation rally at tinawag ang desisyon ng SEC na isang malinaw na pag-atake sa press freedom.
Ayon kay Mikko Ringia, chairperson ng University of the Philippines-College of Mass Communication Student Council, ang hakbang ng SEC ay maaring unang hakbang upang busalan ang malayang pagpapahag.
Ayon pa kay Ringia, ang panggigipit ng pamahalaan sa mga peryodista ay panggigipit rin sa demokrasya.
Ayon sa CEGP, ang kanilang pagkilos ay panimula pa lang sa kanilang gagawing Black Friday Protest sa January 19 sa Boy Scout Circle sa Timog Avenue, Quezon City.
Magiging katuwang umano ng grupo sa pagkilos ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at grupong Let’s Organize for Democracy and Integrity o LODI.