Nagpaliwanag si Budget Secretary Benjamin Diokno kaugnay ng hirit na doblehin o taasan ang sweldo ng mga public school teachers.
Ayon kay Diokno, hindi siya tutol sa panukalang taasan ang sweldo ng mga guro, pero iginiit nito na malaking pondo ang kailangan upang ito ay maisakatuparan.
Paliwanag ng kalihim, 343.7 billion pesos ang kailangan ng pamahalaan para matustusan ang dobleng sweldo ng mga teachers, at katumbas umano ito ng 2% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Dagdag pa ni Diokno, malaking hamon na rin para sa kanila sa ngayon ang pondohan ang ilang mga priority projects ng gubyerno, tulad ng ‘Build, Build, Build’ project, Free College Tuition Act, at ang rehabilitasyon sa Marawi City.
Ayon pa kay Diokno, mahihirapan ang Department of Budget and Management na ipatupad ang hirit na taas-sweldo sa mga teachers dahil naipasa na ang General Appropriations Act (GAA) para sa 2018, dahil kailangan pa ang kapangyarihan ng Kongreso upang baguhin ito.
Sinabi rin ni Diokno kung tutuusin, ‘competitive’ na ang sweldo ng mga public school teachers kumpara sa mga private school teachers.
Paliwanag pa ng kalihim, taon-taon nang nakatatanggap ng taas-sweldo ang mga guro dahil sa ipinatutupad na Salary Standardization Law.
“Teachers, as government employees, already enjoy yearly pay increases with the implementation of the Salary Standardization Law of 2016,” ayon kay Diokno.