Sasakyan ng isang piloto tumagilid sa Guadalupe northbound

Pahirapan ang paghila sa isang silver Toyota Hilux matapos itong tumagilid at tumayo sa dalawa nitong gulong sa EDSA-Guadalupe northbound, bago umakyat sa tulay.

Kwento ng driver ng Hilux na isang piloto, papunta siya sa Clark International Airport para sa kanyang trabaho nang habang binabagtas ang kahabaan ng EDSA ay naramdaman niyang madulas ang daan dulot ng walang patid na pag-uulan.

Sa pagpapatuloy ng kanyang pagmamaneho sa bilis na 60 hanggang 70kph ay biglang nag-skid ang kanyang gulong.

Kaysa subukan pang ipreno ang kanyang sasakyan at lalong mawalan ng kontrol dito ay hinayaan na lamang ng driver ang kanyang sasakyan hanggang sa umikot ito bago bumangga sa metal barrier ng MMDA at tumagilid.

Giit ng driver, hindi siya nakatulog at sadyang dala ng dulas ng kalsada ang dahilan ng aksidente.

Ayon pa dito, mud terrain tires ang kanyang gulong na posibleng nakadagdag sa dulas ng kanyang sasakyan.

Maswerte namang walang natamong galos sa katawan ang driver, bagaman naiwan niya sa loob ng kanyang sasakyan ang kanyang wedding ring.

Read more...