Isa patay, isa sugatan sa pamamaril sa Malabon City

By Justinne Punsalang January 17, 2018 - 06:44 AM

Dead on the spot ang isang lalaki, habang nagpapagaling naman ang kasama nito sa ospital matapos silang pagbabarilin ng anim na hindi pa nakikilalang mga salarin sa Barangay Potrero, Malabon City.

Kinilala ang namatay na biktima na si Manuel Cruz, 59 na taong gulang at residente ng Navotas City. Nasa Manila Central University (MCU) Hospital naman ang isa pang biktimang kinilalang si Cris Villanueva.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, nanggaling ang dalawang biktima sa isang sabungan sa Del Monte Avenue at sakay ng isang motorsiklo.

Bigla na lamang sumulpot ang mga salarin na lulan ng tatlong motorsiklo at pinaputukan ang mga biktima.

Agad na nahulog mula sa motor si Cruz habang umarangkada naman ang rider na si Villanueva at patuloy na sinundan ng tatlong riding in tandem.

Agad na inireport ng isang bystander sa mga nagbabantay na otoridad ang tungkol sa pamamaril na silang sumunod sa mga ito. Ngunit mabilis na nakatakas ang mga suspek.

Narekober mula sa pinangyarihan ng insidente ang dalawang basyo ng 9mm, dalawang basyo ng kalibre 45 baril, at isang bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.

Lumabas rin sa pagsisiyasat ng mga otoridad na nasa drugs watch list ng Navotas City Police Station si Villanueva.

TAGS: 1 dead, 1 injured in a shooting incident in Malabon, 1 dead, 1 injured in a shooting incident in Malabon

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.