Ayon sa datos ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology o Phivolcs, ilang mga lindol ang naramdaman sa dalawang lalawigan simula pa kahapon, Martes hanggang Miyerkules ng hatinggabi.
Unang naramdaman ang magnitude 4.0 na lindol sa kanlurang bahagi ng Kawayan, Biliran dakong alas 3:04 ng hapon ng Martes.
Intensity IV ang naitalang paggalaw ng lupa sa bayan ng Kawayan at Naval samantalang Intensity III naman sa Palanas, Masbate.
Sinundan ito ng:
-Magnitude 3.0 dakong alas 9:43 ng gabi,
-Magnitude 2.5 dakong alas 10:53 ng gabi,
-Magnitude 3.4 alas 11:38 ng gabi ng Martes at;
-Magnitude 3.8 alas 12:51 ng Miyerkules ng madaling- araw.
Sa pinakahuling lindol, naitala ang Intensity IV sa Naval Biliran at Intensity I sa Ormoc City, Leyte at Bogo City Cebu.
Samantala, sa Albay, naitala ang magnitude 2.0 na lindol sa silangang bahagi ng Ligao City dakong alas 11:38 ng Martes ng gabi.
Dakong alas 12:37 naman ng madaling-araw ng Miyerkules nang tumama ang magnitude 3.1 na lindol sa silangang bahagi ng Oas, Albay.
Naitala ang intensity III na pagyanig sa Legazpi City, Albay at Intensity I sa Iriga, Camarines Sur.
Wala namang idinulot na pinsala sa mga struktura ang serye ng mga pagyanig, ayon sa Phivolcs.