Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan, bagaman walang bagyo sa loob ng bansa ay tatlong weather systems naman ang umiiral sa ngayon.
Kabilang dito ang amihan sa Hilaga at gitnang bahagi ng Luzon, tail-end ng cold front sa Silangang bahagi ng Southern Luzon, at ang Low-Pressure Area (LPA) sa Eastern side ng bansa na nagdudulot ng mga pag-ulan.
Umaabot naman sa 12 landslide incidents at flashfloods rin ang naitala, at aabot sa 1,875 na pamilya ang inilikas sa Eastern Samar, Northern Samar, Samar, at Leyte.
Samantala, sa 16 na nasawi, apat rito ay mula sa Tacloban City, 4 mula Compostela Valley, isa mula Silvino Lobos, Northern Samar, isa rin ang nasawi mula Catarman, dalawang mula sa bayan ng Pantar, Lanao del Norte, isa mula sa Caramoan, Camarines Sur, at 3 mula sa Camarines Norte.
Ayon sa NDRRMC, sumisikat na rin umano ang araw sa mga inulang lugar sa Samar at Leyte, at nagsisimula nang bumaba ang tubig baha.
Payo ni Marasigan sa publiko, kahit walang umiiral na bagyo, ugaliin pa rin makibalita sa lagay ng panahon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.