Bibida si Aicelle Santos bilang Elsa na unang ginanapan ng Superstar na si Nora Aunor sa pelikula.
Kasama ni Aicelle ang iba pang mga theater actors na sina Bituin Escalante, Sandino Martin, Kakki Teodoro, Neomi Gonzales, David Ezra, at Floyd Tena.
Ang Himala Isang Musikal ay ang staging ng Himala na pelikula noong 1982 na isinulat ni Ricky Lee at dinerehe naman ni Ishmael Bernal.
Kwento ito ni Elsa na isang outcast sa lugar ng Cupang at nagkaroon ng kapangyarihang manggamot matapos magpakita sa kanya ang Birheng Maria.
Ayon kay Aicelle, nang malaman niya na siya ang napiling gumanap bilang Elsa ay natuwa at na-excite siya.
Pero makalipas ng tatlong minuto ay napalitan ng kaba at takot ang kanyang kasiyahan.
Aniya, napakalaki at iconic ng role na Elsa pero habang tumatagal ay unti-unti niyang nahahanap ang karakter sa kanyang sarili.
Aminado naman ang direktor ng restaging na si Ed Lacson na mahirap pantayan ang naunang mga pagtatanghal ng Himala.
Kaya naman hahayaan niya na ang mga kanta ang magsalita at magkwento tungkol sa kung paano sinikap ng mga residente ng Cupang na kayanin ang kanilang nararanasang paghihirap.
Ayon pa dito, bagaman tatlong dekada na simula nang unang napanood ang Himala sa mga sinehan ay nananatiling relevant ang isyung tinatalakay nito.
Aniya, para ito sa bagong henerasyon. Itatanghal ang Himala Isang Musikal sa Power MAC Center Spotlight sa Circuit Makati mula February 10 hanggang March 4.
Ito ay sa produksyon ng Sandbox Collective at 9 Works Theatrical.