Albay inilagay na sa state of calamity dahil sa aktibidad ng bulkang Mayon
Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Albay dahil sa patuloy na paglalabas ng mga pyroclastic materials ng bulkang Mayon.
Sinabi ni Albay Gov. Al Francis Bitchara na gagamitin ng pamahalaang panlalawigan ang P65 Million na calamity fund sa pagbili ng mga kinakailangang pagkain at gamot para sa mga direktang maaapektuhan sa pag-aalburuto ng bulkan.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit sa 25,000 katao ang nasa iba’t ibang mga evacuation centers sa lalawigan.
Tiniyak rin ng opisyal na nasa maayos na kalagayan ang mga evacuees para maiwasan ang pagkakasakit ng mga ito.
Bagaman nananatili sa alert level number 3, ipinag-utos na rin ni Bitchara ang paglalagay ng checkpoints para pakiusapan ang mga tao na manatili sa labas ng seven kilometers danger zone.
Base sa pinakahuling impormasyon galing sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Philvocs), ang mga bayan ng Daraga at Camalig ang inaasahang mas maaapektuhan ng aktibidad ng bulkan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.